Ilang araw na mababaw ang luha
siguro ilang araw na ring kasing pinipigilan ang pag-iyak
nakakulong lang sa dibdib an bigat
na nararamdaman
ang hirap buhatin
nakakasakal sa lalamunan
parang may pighating nakabara roon
gusto kumawala
pero tinitikom na lang ang bibig
para hindi umimpit
ang sakit na ilang araw nang binobote
ng nagpapanggap na tapang.
lihim na tumatakas ang luha minsan
tuwing walang tao at nakapirmi
ang titig sa kawalan
minsan tulala
tinatanaw ang mga alaala
na sana kayang buhayin ng
pagmumuni-muni.
nasan ka na kaya Nay?
sumisikip ang dibdib tuwing
iniisip na marahil naglalakbay
ka lang mag-isa...
tinatawag ang mga pangalan namin
pero hindi na abot ng boses mo
ang mundong nalisan mo na
at ang sakit na isipin na hindi na
kita makikita tuwing umaga paggising ko
hindi ka na hihingi sa akin ng pabor
na isabay ang kape mo sa pagtimpla ko
hindi na kita masusubuan muli ng kanin at hiniwa-hiwang saging
hindi mo na kami makukulit at patutulugin
sa gabi...
Nay, nasan ka na.
Umiiyak ang puso ko.
Nalulungkot ang puso ko.
Hindi na uli kita makikita.
Gusto kita makita katulad ng mga nakaraang karaniwang araw na nakikita kita.
Gusto ko uli mabuhay sa mga araw na yun.
Dahil kasabay ng paglisan mo sa pisikal na mundo ang kamatayan ng puso.
05.21.21 | 9:21 PM
PS: NANAY... NAMIMISS NA KITA.
No comments:
Post a Comment